Huwebes, Hulyo 23 2009

IGLESYA SA BAHAY by molong nacua

RELIHIYON AT RELASYON (Unang Bahagi)

Mula sa Relihiyon…Limang taong gulang yata ako nang matanggap ko ang una kong medalya bilang “Pinakamabait na Bata” sa Araw-araw na Pambakasyong Paaralan ng Biblia o DVBS. Nang panahong iyon ay gustong-gusto kong dumadalo sa Panglinggong Pag-aaral (Sunday School) ng mga bata dahil natutuwa ako sa mga gawaing paggugupit at pagkukulay na inihahanda ng guro naming si Ate Deb. Si Ate Deb ay isang nakakagiliw na dalaga, na hanggang sa kanyang mga unang pagdadalampung taon ay nadala pa rin ang konti ng kanyang katabaan noong beybi siya. Tinuturuan niya kami ng mga kanta at laro at kinukwentuhan niya kami ng mga istorya mula sa Biblia tuwing Linggo. Gustong-gusto ko ang kahoy-at-pranelang dikitan niya ng mga ginupit na kartong tauhan sa Biblia. Kung hindi lang napakalaki niyon, kinuha ko na sana iyon at sinarili ko. Sabagay, nagtagumpay akong makaumit ng isang krayola, iyon bang kulay-balat. Adik kasi ako noon sa pagkukulay ng mga koloring buk at wawalong kulay lang ang krayolang ginagamit ko. Pinakamahal ko ang kulay-balat kong krayola na parang kayamanan, at itinago ko sa mga kapatid ko dahil natatakot akong maisip nilang sila naman ang magtago niyon para sa kanilang sarili.Protestante ang mga kamag-anak ng tatay ko, pero ang tatay ko ay agnostiko (hindi alam kung may Diyos ba o wala). At ang nanay ko—dati siyang Katoliko Romano. Tuwing nagbabakasyon kami sa pinagbuhatan niyang probinsiya ng Pangasinan, pasikretong dinadala niya kaming maliliit na mga anak niya sa simbahang Katoliko para mabinyagan.Noong nasa elementarya kami, namumulot kami ng mga kapatid kong babae ng nalaglag na mga bulaklak ng kabalyero at ginagawa namin iyong mga pumpon. Kapag Linggo ng gabi, lumilinya kami, kasama ng aming mga kaibigan at kalaro na nakasuot ng pinakamagaganda naming baro, at naghihintay ng turno naming magmartsa papunta sa altar para mailagak sa paanan ng estatwa ng Birheng Maria ang aming mga pumpon ng kabalyero. Nahimok din ako ng pinakamatalik kong kaibigang si Hermie na sumali sa Lehiyon ni Maria, isang lingguhang pagtuturo na ginagawa ng isang manang. Ang manang ay palaging nakadamit ng puti at may kulay-langit na bigkis sa baywang.Nang tumuntong ako sa mataas na paaralan, tuwing hapon, kasama ng mga kaibigan ko, nilalakad ko ang 30-minutong lakarin mula eskwelahan pauwi sa bahay namin. Pag Biyernes, dumadaan kami sa Katoliko Romanong simbahan ng Sto. Cristo. Sa maniwala kayo at hindi—ipinupunas namin ang aming mga panyolito sa Nasarenong sinalaki ng tao na nakahiga sa loob ng isang kahong kristal. Pagkatapos ay ipapahid namin ang aming mga panyolito sa mukha at leeg namin. Iniisip yata namin na mababahiran kami ng grasya ng Diyos sa ginagawa naming iyon

RELIHIYON AT RELASYON (Ikalawang Bahagi)

Papunta sa Relasyong-may-Dagdag-na-Relihiyon…Nang makarating ako sa ikaapat na taon ng mataas na paaralan, naging agnostiko na rin ako—pareho ng tatay ko marahil. Sa mga taong kumakausap sa akin tungkol sa relihiyon, lagi kong sinasabi, “Di ko alam kung may Diyos ba, pero kung may makapagpapatunay na meron ngang Diyos, e di maniniwala ako, bakit hindi?”Makaraan ang lima o apat na taon, ang Diyos na ito, na walang pangangailangang purbahan ang Sarili, ay tunay palang interesadong magkaroon ng relasyon sa akin. Sa akin! Nakakamangha! Nang una kaming magkakilala, pakiramdam ko’y mga tatlong araw akong nasa loob ng sinlambot-ng-bulak, nagniningning, pare!-saksakan-ng-payapang ulap! Tingin ko’y nakonekta ako sa pinakakagulat-gulat na Tao sa sansinukob at wala akong maapuhap na anuman sa aking mga karanasan na puwedeng gamitin para ilarawan ang nangyari sa akin. Kahit na nga, hindi ako mapigilang magkwento tungkol doon—tungkol sa Kanya, kung tutuusin.Noon ang pakiramdam ko ay talagang may nagmamahal sa akin nang mahal na mahal. At punung-puno ako ng kapayapaan at kapahingahan. At malayang-malaya ako….Kaya lang, sandali pa lang ay gumapang nang pabalik sa akin itong si “relihiyon.” Sige nga, unang-una, ano nga ba ang “relihiyon”? Ganito ang paliwanag ko tungkol diyan: relihiyon ang tawag sa mga bagay na pinaniniwalaan at ginagawa natin para madama nating natutuwa ang Diyos sa atin.Nang una kong makilala ang Diyos, naramdaman kong minamahal ako. Wala akong ginawa para maging espesyal sa Kanya—sa sandaling iyong nakilala ko pa lang Siya, napaka-espesyal na tao ko na para sa Kanya. Nasa Biblia naman iyan. Alam mo ‘yun, sabi sa Biblia, “Si Cristo ay namatay para sa atin habang tayo ay makasalanan pa.”Pero, gaya ng nasabi ko, nagsimulang pagsabihan ako nitong si “relihiyong” nasa loob ko, “Talaga? Iyan lang ang kailangan mong gawin? Mag-relax lang sa pagmamahal Niya?” Nang umanib ako sa isang iglesya, lumakas itong si “relihiyon.” Para maging mabuting Kristyano, kailangan kong maniwala sa isang dokumentong nagsasaad ng mga bagay na pinananampalatayanan ko, kailangan kong maging aktibo sa mga programa at gawain sa iglesya, kailangan kong sumunod sa mga dapat at di-dapat gawin ng isang Kristyano, at kailangan kong magpasakop sa mga pinuno ng iglesya tuwing magkakaiba ang iniisip nila sa iniisip ko.Sandali pa at natuklasan ko (pero hindi ko pinagsuspetsahang pareho lang iyon sa nakikita mo sa mundo) na meron din palang “hagdan ng tagumpay” o “hagdan ng pagiging aprubado” na puwede kong akyatin. Sa iglesya pala ay meron ding “sistema ng pagsikat”! Hindi ko namamalayan ang pagkatuklas na ito. Para bang inaanod lang ako ng agos, at isang espiritwal na gawain ang magpaanod sa agos na ito. Kaya inakyat ko ang hagdang ito, at hinimok at pinilit ang iba na umakayat din. Sa loob ng sistema ng iglesya, nakatagpo ng kakampi itong si relihiyong-nasa-loob-ko at itinulak ako na magsikap—para maging pinakaaktibo, pinakamapagbigay, pinaka… sige na nga, pinakarelihiyoso, kung tutuusin.Ay, hindi naman sa parang hindi ako paulit-ulit na sinisiko ng Diyos, “Bumalik ka sa simpleng relasyon lang sa Akin. Nakalimutan mo na ba kung paano Tayo noong una? Noong wala kang ginagawa kundi mag-relax lang sa pagkaalam mong mahal Kita?”Oo, nakatagpo nga ako ng relasyon sa Diyos. Pero hindi ko napansin, kundi nitong huli na lang, na dinagdagan ko pala ito ng masalimuot na sapot ng mga “espiritwal” na bagay—mga inaasahan, obligasyon, at pagsisikap. Muli ko palang idinagdag ang relihiyon sa relasyon namin ng Diyos. Napakabobo, di ba?


RELIHIYON AT RELASYON

(Ikatlong Bahagi)

Hanggang sa Relasyon-LangOo! Ako ngayo'y nagre-relax lang sa pag-ibig ni Ama. Gumigising ako tuwing umagang tahimik at masarap ang pakiramdam na tuwang-tuwa Siya sa akin (hindi siguro nalalayo sa sobrang tuwa ng mga anak ko sa pinakamamahal nilang asong si Spock?). Sabi nga ng asawa ko, "Wala na ang kabigatan." Tingin ko, ang ibig niyang sabihin ay wala na iyong kabigatang magsikap para malugod ang Diyos sa amin. Sigurado lang kaming wala kaming kailangang gawin para madagdagan o mabawasan ang pag-ibig Niya sa amin. Basta mahal Niya kami, tapos!Hindi ko kailangan ng dokumentong nagsasaad ng mga bagay na pinanampalatayanan ko para markahan ako na ako'y sa Kanya dahil sa halip ay minarkahan na Niya ako ng Kanyang pag-ibig. Natututuhan kong mamamahal ko lang ang iba kung gaano ako namahal. At nalalaman ko na ngayong sapat ang pag-ibig Niya sa lahat ng pangangailangan ko--pag-unawa, pagtanggap, papuri, pagkilala, pakiramdam na may nagawa ako, o yung simpleng maramdaman ko lang na espesyal ako. Ibig sabihin niyan, kapag lumapit ako sa iyo, hindi ako lumalapit para kumuha ng kahit anong bagay mula sa iyo. Hindi kita lalapitan para pasunurin ka sa mga inaasahan ko sa iyo, o para maabot ko ang anumang layuning meron ako. Lalapit lang ako para magbigay, dahil wala akong pangangailangang hindi pa natutugunan ni Ama. Tingin ko ay ganoon ang talagang ibig sabihin ng pag-ibig--naroon ako para sa iyo nang walang inaasahang kahit ano mula sa iyo. Aba, alam mong bihira iyan. Iyon lamang may pinagkukunang walang-pagkaubos ang makakakaya niyan. Ay, siyempre wala pa ako doon. Ibig sabihin, marami pa akong kakaining bigas para makilala Siya nang sapat para hindi na ako magpumilit pa sa kahit anong bagay, o para mamahal nang lubos ang mga tao nang walang anumang nakatagong motibo. Pero dinadala Niya ako roon, huwag kang mag-alala....Ang mag-relax sa pag-ibig ni Ama ay nangangahulugan ding hindi ko kailangang "dumalo sa kahit ano," lalo na iyong simba pag Linggo, o "maging aktibo" sa anumang gawain, tulad ng mga prayer meeting o pagtitipon ng mga kababaihan. Ang relasyon ko sa Kanya ay hindi nakasalalay sa paggawa ng mga bagay-bagay, kundi sa simpleng pagiging anak Niya. At bilang anak Niya, magkasama Kaming gumagawa ng maraming gawain--na kadalasan ay iba-iba at puno ng sorpresa. Madalas Siya at ako ay nakikipag-umpukan sa ilang "kapamilya at kaibigan Namin." May ilan-ilang pagkakataong isinasama Niya ako para makipagkita sa ilang taong dumadalo ng mga relihiyosong gawain. Minsan umaalis Kami para bisitahin ang isang kaibigang maysakit. May panahon ding sinasabihan Niya akong tamasahin ko lang mag-isa ang katahimikan ng Linggo ng umaga. Hindi ko Siya gaanong tinatanong tungkol sa mga gawaing pinipili Niya para sa Amin. Si Ama ang nakaaalam ng pinakamabuti, di ba?Iyon namang mga prinsipyong Kristyano at mga patakarang dapat sundin, iniwan ko nang lahat ang mga iyon. Kasi ay paulit-ulit din lang naman akong nabibigong sundin ang mga iyon! Nakita kong ni hindi ko pala kailangan isipin ang mga iyon kapag abala akong sumusunod sa Banal na Espiritu. Aanhin ko ang patay na mga prinsipyo kung pwede naman akong aktibong sumunod sa Espiritung palaging tama at perpekto ang ginagawa sa lahat ng oras?Ay, oo! Sabi ni Hesus ay ayaw na ayaw Niya na pinapalitan Siya ng mga pinuno ng iglesya sa buhay ko. Alam mo 'yun, Siya lang dapat ang tanging Tagapagturo at Gabay ko. At ang Kanyang Ama lang ang pwede kong maging Ama dito sa mundo, sabi Niya, kasi tayo raw ay magkakapatirang lahat. Sabi pa Niya, ako ay Kanyang tupa at naririnig ko ang boses Niya. Isa pa, naninirahan sa loob ko ang Kanyang Espiritu, kaya hindi kailangang turuan ako ninuman, kahit ako pa'y pinakaaba o pinakadakila man sa ating lahat.Sa kahuli-hulihan, bakit ko pa kailangang sumikat sa loob ng sistema ng iglesya e megastar na ako sa mata ng aking nagmamahal na Ama? Sinabi ko na sa iyong mahal Niya ako! Talagang super grabeng basta mahal Niya lang ako!(P.S. Pakiusap, huwag ka sanang magagalit sa akin kung natapakan ko ang lahat ng iyong pinaniniwalaan bilang Kristyano : ). Balang-araw maiintindihan mo-- kapag dumating ang panahon na tuwang-tuwa ka na ring nagtatampisaw sa pagsinta ni Ama para sa iyo.)

0 (mga) puna: