Huwebes, Hulyo 23, 2009

July 21, sharing

habang nasa resthouse kami na siyang kinauugaliang puntahan ng mga kapatiran twing hapon o ano mang araw, nagsidatingan ang mga kapatid na galing sa kanilang trabaho, ang isa ay nag timpla ng kape at ang iba ay nag kwentuhan habang ako ay nakaharap sa computer dahil sa ilang mga inaayos na bagay.Sa di kalayuan ay nag papaliwanagan sila bernie, sam at her sa kanilang mga karanasan nuong araw na iyon," Natutuwa ako sa araw na ito dahil sa isang tao na naka usap ko, ibinahagi ko ang salita ng Dios sa kanya, ngunit napansin ko na malungkot siya, kaya tinanong ko kung bakit, ang sabi ay hindi pa sila nag tatanghalian, 9 ang kanyang mga anak, at ang kanyang trabaho ay hindi sapat para sa kanilang pagkain man lang," wika ni Her....kaya naman nakamasid ang dalawa na habang nag ku kwento si Her, ako naman sa di kalayuan ay nakikinig sa kanila at hinayaang mag usap sila at mag pahayag ng kanilang mga patotoo sa mga nangyari nuong araw na yon....patuloy na i ki nuwento ni her ang mga bagay na ginawa ng Dios sa kanya, at sa kanyang pag sasalita ay parang nararamdaman ko ang kahabagan sa kanyang nakausap kanina-kanina lang..(ito ay kasama niyang trabahador sa hacienda kung saan gumagawa sila ng mga bahay at bakod nito). bumalik sya sa kanilang tahanan na kumuha ng ilang kilong bigas at pag kain upang maibigay sa kasama niya sa trabho na halos 3 araw pa lamang niyang kilala...damit at ilang balot ng tinapay para sa mga bata..hindi ako nakatiis na hindi makiupo kung saan sila ay umiinom ng kape....lumapit ako sa kanila at nag sabi na napakaganda ng ginawa ng Panginoon sa kanilang buhay noong araw na yun, kaya naman dito na kami nag simulang mag bahaginan ng kung paano ang Dios ay gumawa ng mga bagay na dapat nating sundin....ang ating pagiging kristiano ay hindi nasalalay sa araw at oras upang ito ay ibahagi mo, sa trabaho kung saan halos mahabang panahon nating ginugol ang ating mga panahon ay pinakamabuting oras upang gamitin para ipahayag ang kabutihan ng Dios,hindi lang sa salita kundi sa pamamagitan ng gawa (katulad ng kanyang ginawang pag kakaloob).nag kuwento na din si Bernie ng kanyang karanasan sa kanyang pamilya, at gayun di si Samauel, naramdaman namin ang pag sama ng Dios at pag mamahal niya na ginagawa sa mga pusong sumusunod sa nais ng Dios sa araw-araw ng kanilang buhay, maging ako ay napalakas sa kwentuhang ito.....na humantong sa aming pananalangin, may dumating ding ilang kapatiran na nakasama namin sa pananalangin, ang pananalanging ito ay taimtim at ayon sa pangangailangan, sa katunayan wala naman kaming schedule ng mga prayer meetings....ang pananalangin ay sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu, ito man ay araw-araw o lingguhang schedule natin, pero para sa akin, masarap manalangin na hindi yung sapilitan sa naka kahong oras para kausapin ang ating Ama..maging sa aming tahanan, ako ay hindi nag bibigay ng araw at oras na schedule sa aking mga anak para mag-usap usap kami, bagkus nais ko sa kahit anong oras ay maari nila akong lapitan at kausapin, lambingin at mag sabi ng mga problema nila kung mayron man...kaya nga ang magandang salin ng pananalangin ay pakikipag usap....nais kasi ng Dios ng walang halong pag papaimbabaw na pakiki pag talastasan sa Kanya....hindi isang programa kundi isang pusong nag sasabi ng mga saloobin natin.Pag katapos ng aming maikling pasasalamat at pakikipag usap sa Panginoon, may mga luha sa bawat mata namin, puspos ang bawat isa ng kagalakan at kapayapaan dulot ng pag sunod sa kalooban ng Dios, kaya naman napag usapan namin na bisitahin ang bagong kaibigan ni Her ( KA Her kung tawagin namin , 51 taong gulang na siya)minsan isang araw, mag dadala kami ng ilang mga bagay na makakapag pasaya sa kanila, bagamat hindi pa siya mananampalataya ay aming ipapakita na kami ay nag mamahal sa Kanya, di dala ang aming relihiyon at paniniwala kundi si Hesus na namatay para sa kanya, tuwang-tuwa si her na nagsabi, "sige-sige, magdala din tayo ng pag kain at dun tayo kumain...tiyak matutuwa yun!" kaya naman noong gabing iyon ay nag karoon kami schedule para pumunta at bumisita sa kanyang bagong kaibigan"....hindi matapos na kwentuhang muli ang naganap......Ang buhay kristiano ay araw-araw, bayaan natin na ang Kristo na ating ipinapangaral ay mag karoon ng buhay sa pamamagitan ng ating pag- papadama na si Kristo ay nasa atin...ang tao ay sawa na sa relihiyon, sa denominasyon na siyang nag papa-bigat sa pasanin ng mga tao, hanggang noon at ngayon ay pinatunayan ito ng kasaysayan..kaya naman kung ating susundin ang banal na kasulatan at makita ang mga bagay na ginawa ni Hesus ay makikita natin na ang kristiyanismo ay hindi sa salita kundi sa gawa, ito ay ang gawa ng Espiritu sa mga huling araw, na siya ay pumipili ng mga tao na mag mamahal sa kanya higit sa kanilang mga sarili, reputasyon at mga sariling ambisyon!ANG PAG-SUNOD KAY KRISTO AY ARAW-ARAW, SAAN MAN TAYO NAROON, AT ANO MANG PANAHON!Sa susunod, nais kong makita na ang bahay na aming pupuntahan ay maging bahay din manan ni Kristo kung saan siya kakaing kasama namin mag bibigay ng kapayapaan at biyaya sa mga taong nasa tahanang ito!!!Purihin ang Dios!

IGLESYA SA BAHAY by molong nacua

RELIHIYON AT RELASYON (Unang Bahagi)

Mula sa Relihiyon…Limang taong gulang yata ako nang matanggap ko ang una kong medalya bilang “Pinakamabait na Bata” sa Araw-araw na Pambakasyong Paaralan ng Biblia o DVBS. Nang panahong iyon ay gustong-gusto kong dumadalo sa Panglinggong Pag-aaral (Sunday School) ng mga bata dahil natutuwa ako sa mga gawaing paggugupit at pagkukulay na inihahanda ng guro naming si Ate Deb. Si Ate Deb ay isang nakakagiliw na dalaga, na hanggang sa kanyang mga unang pagdadalampung taon ay nadala pa rin ang konti ng kanyang katabaan noong beybi siya. Tinuturuan niya kami ng mga kanta at laro at kinukwentuhan niya kami ng mga istorya mula sa Biblia tuwing Linggo. Gustong-gusto ko ang kahoy-at-pranelang dikitan niya ng mga ginupit na kartong tauhan sa Biblia. Kung hindi lang napakalaki niyon, kinuha ko na sana iyon at sinarili ko. Sabagay, nagtagumpay akong makaumit ng isang krayola, iyon bang kulay-balat. Adik kasi ako noon sa pagkukulay ng mga koloring buk at wawalong kulay lang ang krayolang ginagamit ko. Pinakamahal ko ang kulay-balat kong krayola na parang kayamanan, at itinago ko sa mga kapatid ko dahil natatakot akong maisip nilang sila naman ang magtago niyon para sa kanilang sarili.Protestante ang mga kamag-anak ng tatay ko, pero ang tatay ko ay agnostiko (hindi alam kung may Diyos ba o wala). At ang nanay ko—dati siyang Katoliko Romano. Tuwing nagbabakasyon kami sa pinagbuhatan niyang probinsiya ng Pangasinan, pasikretong dinadala niya kaming maliliit na mga anak niya sa simbahang Katoliko para mabinyagan.Noong nasa elementarya kami, namumulot kami ng mga kapatid kong babae ng nalaglag na mga bulaklak ng kabalyero at ginagawa namin iyong mga pumpon. Kapag Linggo ng gabi, lumilinya kami, kasama ng aming mga kaibigan at kalaro na nakasuot ng pinakamagaganda naming baro, at naghihintay ng turno naming magmartsa papunta sa altar para mailagak sa paanan ng estatwa ng Birheng Maria ang aming mga pumpon ng kabalyero. Nahimok din ako ng pinakamatalik kong kaibigang si Hermie na sumali sa Lehiyon ni Maria, isang lingguhang pagtuturo na ginagawa ng isang manang. Ang manang ay palaging nakadamit ng puti at may kulay-langit na bigkis sa baywang.Nang tumuntong ako sa mataas na paaralan, tuwing hapon, kasama ng mga kaibigan ko, nilalakad ko ang 30-minutong lakarin mula eskwelahan pauwi sa bahay namin. Pag Biyernes, dumadaan kami sa Katoliko Romanong simbahan ng Sto. Cristo. Sa maniwala kayo at hindi—ipinupunas namin ang aming mga panyolito sa Nasarenong sinalaki ng tao na nakahiga sa loob ng isang kahong kristal. Pagkatapos ay ipapahid namin ang aming mga panyolito sa mukha at leeg namin. Iniisip yata namin na mababahiran kami ng grasya ng Diyos sa ginagawa naming iyon

RELIHIYON AT RELASYON (Ikalawang Bahagi)

Papunta sa Relasyong-may-Dagdag-na-Relihiyon…Nang makarating ako sa ikaapat na taon ng mataas na paaralan, naging agnostiko na rin ako—pareho ng tatay ko marahil. Sa mga taong kumakausap sa akin tungkol sa relihiyon, lagi kong sinasabi, “Di ko alam kung may Diyos ba, pero kung may makapagpapatunay na meron ngang Diyos, e di maniniwala ako, bakit hindi?”Makaraan ang lima o apat na taon, ang Diyos na ito, na walang pangangailangang purbahan ang Sarili, ay tunay palang interesadong magkaroon ng relasyon sa akin. Sa akin! Nakakamangha! Nang una kaming magkakilala, pakiramdam ko’y mga tatlong araw akong nasa loob ng sinlambot-ng-bulak, nagniningning, pare!-saksakan-ng-payapang ulap! Tingin ko’y nakonekta ako sa pinakakagulat-gulat na Tao sa sansinukob at wala akong maapuhap na anuman sa aking mga karanasan na puwedeng gamitin para ilarawan ang nangyari sa akin. Kahit na nga, hindi ako mapigilang magkwento tungkol doon—tungkol sa Kanya, kung tutuusin.Noon ang pakiramdam ko ay talagang may nagmamahal sa akin nang mahal na mahal. At punung-puno ako ng kapayapaan at kapahingahan. At malayang-malaya ako….Kaya lang, sandali pa lang ay gumapang nang pabalik sa akin itong si “relihiyon.” Sige nga, unang-una, ano nga ba ang “relihiyon”? Ganito ang paliwanag ko tungkol diyan: relihiyon ang tawag sa mga bagay na pinaniniwalaan at ginagawa natin para madama nating natutuwa ang Diyos sa atin.Nang una kong makilala ang Diyos, naramdaman kong minamahal ako. Wala akong ginawa para maging espesyal sa Kanya—sa sandaling iyong nakilala ko pa lang Siya, napaka-espesyal na tao ko na para sa Kanya. Nasa Biblia naman iyan. Alam mo ‘yun, sabi sa Biblia, “Si Cristo ay namatay para sa atin habang tayo ay makasalanan pa.”Pero, gaya ng nasabi ko, nagsimulang pagsabihan ako nitong si “relihiyong” nasa loob ko, “Talaga? Iyan lang ang kailangan mong gawin? Mag-relax lang sa pagmamahal Niya?” Nang umanib ako sa isang iglesya, lumakas itong si “relihiyon.” Para maging mabuting Kristyano, kailangan kong maniwala sa isang dokumentong nagsasaad ng mga bagay na pinananampalatayanan ko, kailangan kong maging aktibo sa mga programa at gawain sa iglesya, kailangan kong sumunod sa mga dapat at di-dapat gawin ng isang Kristyano, at kailangan kong magpasakop sa mga pinuno ng iglesya tuwing magkakaiba ang iniisip nila sa iniisip ko.Sandali pa at natuklasan ko (pero hindi ko pinagsuspetsahang pareho lang iyon sa nakikita mo sa mundo) na meron din palang “hagdan ng tagumpay” o “hagdan ng pagiging aprubado” na puwede kong akyatin. Sa iglesya pala ay meron ding “sistema ng pagsikat”! Hindi ko namamalayan ang pagkatuklas na ito. Para bang inaanod lang ako ng agos, at isang espiritwal na gawain ang magpaanod sa agos na ito. Kaya inakyat ko ang hagdang ito, at hinimok at pinilit ang iba na umakayat din. Sa loob ng sistema ng iglesya, nakatagpo ng kakampi itong si relihiyong-nasa-loob-ko at itinulak ako na magsikap—para maging pinakaaktibo, pinakamapagbigay, pinaka… sige na nga, pinakarelihiyoso, kung tutuusin.Ay, hindi naman sa parang hindi ako paulit-ulit na sinisiko ng Diyos, “Bumalik ka sa simpleng relasyon lang sa Akin. Nakalimutan mo na ba kung paano Tayo noong una? Noong wala kang ginagawa kundi mag-relax lang sa pagkaalam mong mahal Kita?”Oo, nakatagpo nga ako ng relasyon sa Diyos. Pero hindi ko napansin, kundi nitong huli na lang, na dinagdagan ko pala ito ng masalimuot na sapot ng mga “espiritwal” na bagay—mga inaasahan, obligasyon, at pagsisikap. Muli ko palang idinagdag ang relihiyon sa relasyon namin ng Diyos. Napakabobo, di ba?


RELIHIYON AT RELASYON

(Ikatlong Bahagi)

Hanggang sa Relasyon-LangOo! Ako ngayo'y nagre-relax lang sa pag-ibig ni Ama. Gumigising ako tuwing umagang tahimik at masarap ang pakiramdam na tuwang-tuwa Siya sa akin (hindi siguro nalalayo sa sobrang tuwa ng mga anak ko sa pinakamamahal nilang asong si Spock?). Sabi nga ng asawa ko, "Wala na ang kabigatan." Tingin ko, ang ibig niyang sabihin ay wala na iyong kabigatang magsikap para malugod ang Diyos sa amin. Sigurado lang kaming wala kaming kailangang gawin para madagdagan o mabawasan ang pag-ibig Niya sa amin. Basta mahal Niya kami, tapos!Hindi ko kailangan ng dokumentong nagsasaad ng mga bagay na pinanampalatayanan ko para markahan ako na ako'y sa Kanya dahil sa halip ay minarkahan na Niya ako ng Kanyang pag-ibig. Natututuhan kong mamamahal ko lang ang iba kung gaano ako namahal. At nalalaman ko na ngayong sapat ang pag-ibig Niya sa lahat ng pangangailangan ko--pag-unawa, pagtanggap, papuri, pagkilala, pakiramdam na may nagawa ako, o yung simpleng maramdaman ko lang na espesyal ako. Ibig sabihin niyan, kapag lumapit ako sa iyo, hindi ako lumalapit para kumuha ng kahit anong bagay mula sa iyo. Hindi kita lalapitan para pasunurin ka sa mga inaasahan ko sa iyo, o para maabot ko ang anumang layuning meron ako. Lalapit lang ako para magbigay, dahil wala akong pangangailangang hindi pa natutugunan ni Ama. Tingin ko ay ganoon ang talagang ibig sabihin ng pag-ibig--naroon ako para sa iyo nang walang inaasahang kahit ano mula sa iyo. Aba, alam mong bihira iyan. Iyon lamang may pinagkukunang walang-pagkaubos ang makakakaya niyan. Ay, siyempre wala pa ako doon. Ibig sabihin, marami pa akong kakaining bigas para makilala Siya nang sapat para hindi na ako magpumilit pa sa kahit anong bagay, o para mamahal nang lubos ang mga tao nang walang anumang nakatagong motibo. Pero dinadala Niya ako roon, huwag kang mag-alala....Ang mag-relax sa pag-ibig ni Ama ay nangangahulugan ding hindi ko kailangang "dumalo sa kahit ano," lalo na iyong simba pag Linggo, o "maging aktibo" sa anumang gawain, tulad ng mga prayer meeting o pagtitipon ng mga kababaihan. Ang relasyon ko sa Kanya ay hindi nakasalalay sa paggawa ng mga bagay-bagay, kundi sa simpleng pagiging anak Niya. At bilang anak Niya, magkasama Kaming gumagawa ng maraming gawain--na kadalasan ay iba-iba at puno ng sorpresa. Madalas Siya at ako ay nakikipag-umpukan sa ilang "kapamilya at kaibigan Namin." May ilan-ilang pagkakataong isinasama Niya ako para makipagkita sa ilang taong dumadalo ng mga relihiyosong gawain. Minsan umaalis Kami para bisitahin ang isang kaibigang maysakit. May panahon ding sinasabihan Niya akong tamasahin ko lang mag-isa ang katahimikan ng Linggo ng umaga. Hindi ko Siya gaanong tinatanong tungkol sa mga gawaing pinipili Niya para sa Amin. Si Ama ang nakaaalam ng pinakamabuti, di ba?Iyon namang mga prinsipyong Kristyano at mga patakarang dapat sundin, iniwan ko nang lahat ang mga iyon. Kasi ay paulit-ulit din lang naman akong nabibigong sundin ang mga iyon! Nakita kong ni hindi ko pala kailangan isipin ang mga iyon kapag abala akong sumusunod sa Banal na Espiritu. Aanhin ko ang patay na mga prinsipyo kung pwede naman akong aktibong sumunod sa Espiritung palaging tama at perpekto ang ginagawa sa lahat ng oras?Ay, oo! Sabi ni Hesus ay ayaw na ayaw Niya na pinapalitan Siya ng mga pinuno ng iglesya sa buhay ko. Alam mo 'yun, Siya lang dapat ang tanging Tagapagturo at Gabay ko. At ang Kanyang Ama lang ang pwede kong maging Ama dito sa mundo, sabi Niya, kasi tayo raw ay magkakapatirang lahat. Sabi pa Niya, ako ay Kanyang tupa at naririnig ko ang boses Niya. Isa pa, naninirahan sa loob ko ang Kanyang Espiritu, kaya hindi kailangang turuan ako ninuman, kahit ako pa'y pinakaaba o pinakadakila man sa ating lahat.Sa kahuli-hulihan, bakit ko pa kailangang sumikat sa loob ng sistema ng iglesya e megastar na ako sa mata ng aking nagmamahal na Ama? Sinabi ko na sa iyong mahal Niya ako! Talagang super grabeng basta mahal Niya lang ako!(P.S. Pakiusap, huwag ka sanang magagalit sa akin kung natapakan ko ang lahat ng iyong pinaniniwalaan bilang Kristyano : ). Balang-araw maiintindihan mo-- kapag dumating ang panahon na tuwang-tuwa ka na ring nagtatampisaw sa pagsinta ni Ama para sa iyo.)

Biyernes, Hulyo 10, 2009

si kristo, kay kristo at para kay kristo

sa ating kapanahunan, napakaraming mga denominasyon ang nag lalabasan, ibat-ibang karanasan at mga paniniwala ang ating maririnig, ngunit ito ba ang sagot para ang tao ay makakilala at tunay na magkaroon ng pag titiwala sa ating Panginoon? maituturing bang isang malaking "revival" ang pag dami ng mga malalaking denominasyon habang ang mga maliliit na mga gawain ay nariyan din naman...ang mga ito ay mag kaaway, mag ka kontra? o kanya-kanyang paniniwala sa paraan ng pag titipon....nawa ay wakasan na ang pagiging asal bata, ang Panginoon nag nag sabi na "makikilala kayo ng mga tao kung kayo ay mag iibigan" hindi sinabi na makikilala nyo sila kung sila ay magkakaroon ng pangalan, o titulo ng kanilang mga sambahan!...nakakalungkot dito pa nga tayo hindi nakilala ng tao, sila ay nag tatanong kung kasama ba ninyo sila? kapanalig? kaisa? o kaiba? nakalulungkot..nakalulungkot..samantalang ang puso ng Panginoon ay uhaw sa mga taong mag bibigay ng tunay na pag- samba sa pamamagitan ng pag-kakaisa at pag-iibigan bilang mga alagad.mapapansin natin na ang bawat denominasyon ay may kanya-kanyang mga pakulo, mga aktibidades na hihikayat sa mga tao upang lumapit sa Kanya, feeding programs, evangelism explotion, g-12, cell groups, house church, organic church at kung ano-anong mga pangalan, ngunit ang lahat ng ito ay magiging kapos kung patuloy na ang katawan ni Kristo ay walang kakayanang mag- kaisa sa pamamagitan ng Panginoon Hesus! ang gumawa ng sama-sama ayon sa nais ng Panginoon!..ang gumawa ng walang tunog na kabutihan (no sound good works).Ang banal na kasulatan ay nag -papakita ng mga pangalan, ngunit ang mga pangalang ito ay taguri ng bawat iglesya at hindi isang titulo, iglesya ng Dios, iglesya ni Kristo, pinili ng Dios, iglesya sa Corinto, efeso at kung ano-ano pa, ito ay pag papakita ng kanilang mga katangian sa isang lugar o deskripsiyon ng bawat grupo,hindi ito inilagay upang pasikatan ang mga tao sa pangalan at ipakitang sila ang pinaka pinili dahil sa ganda ng kanilang mga pangalan. mabuksan nawa ang ating kaunawaan at mata ng ating puso, na makita natin ang pag katawag sa atin ay ang ipangaral ang salita ng Dios ayon sa ating pag -kakakilala sa kanya, walang ibang agenda, walang ibang hangarin, kundi mahalin ang Dios ng higit sa lahat..mahalin ang kapwa gaya ng ating mga sarili. huwag tayong makuntento sa ganda at galing ng ating mga kakayanan upang palakarin ang isang gawain sa pamamagitan ng sistema ng sanlibutang ito, kundi makita natin na ang tanging lakas ng iglesya ay ang Kapangyarihan ng Panginoon at ng kanyang Espiritu!itigil na ang pag -tatalo kung sino ang pinakatamang relihiyon at pangalan! ang nais ng Panginoon ay mapadali ang pangangaral ng ebanghelyo at ito ay matatagpuan lamang sa mga taong nakikinig ng tinig ng panginoong Hesus sa mga huling araw!bayaan natin na mabuksan ang ating mata ng ating puso sa pamamagitan ng pag-ibig sa kanya na mag-udyok sa atin upang mag -lingkod......Isa-isang tabi na natin ang mga turo ng tao at mag umpisang makinig sa turo ng Panginoon! ang bagong tipan kung saan nakapaloob ang mga bagong utos at ang bagong kobenante na aral ni Kristo, huwag ang anino ng nakaraan ang ating sundan, kundi tuluyan na nating maiisantabi ang anino at makita ang tunay na larawan ng Dios, si Kristo...siya ang dakilang huwaran ng pag lilingkod! (Fil.2:6-8)kung nais nating maglingkod ng boong puso, tingnan natin ang pinaka punong pastor, nag bigay ng buhay para sa mga alagad, naging kaibigan ng mga makasalanan, naging mapag patawad hanggang kamatayan, kinalaban ng mga relihiyoso at pinapatay dahil sa kanyang kakaibang pag- mamahal sa mga tao at sa mga taong makasalanan.nawa ay huwag maulit na muli ang banal na kasulatan, na kung tayo tunay na susunod kay Kristo, ang unang pupuna sa atin ay ang mga tao na nag mamahal daw sa Dios, ngunit di nakikita sa gawa!ang kakaibang estilong ito ay nangyari dahil sa kakaibang pag-ibig niya sa tao!ang mangaral na walang ibang agenda! hindi upang mag parami ng mga tagasunod, sa halip, pilit niyang sinasabi ang katotohanan na kung sino man ang nais sumunod sa kanya ay mag pasan ng krus at sumunod, ang mga aso, ang ay may tahanan ngunit ang anak ng tao ay wala man lamang tulugan...mga salitang inayaawan dahil sa takot at pag -ibig sa mundong ito.......ito ang kristo na nangaral sa ngayon, kumain na di nag hugas ng kamay upang ipakita sa mga taong mapag paimbabaw na hindi mahalaga ang panlabas na kalinisan, kundi ang puso kung saan lumalabas ang lahat ng karumaldumal na karumihan at kahalayan.........ang pader ng denominasyon ay buwagin at wasakin ng kapangyarihan ng pag-ibig kay Hesus at hingi ng pag-ibig sa ating mga sariling denominasyon, ang sinomang nais maging una ay maging huli, at kung sino ang nais maging dakila ay siya nating maging lingkod...hindi kakayanin ng mga taong makasanlibutan ang aral ng ating Panginoon maliban na sila ay lukuban ng Espiritu at mamatay sa kanilang mga sarili.........ang ibigay ang buhay sa kanya at ibigay ang buhay alang-alang sa kawan ng Dios.....sino ang pinalayas ng ating Panginoon sa templo? ang mga taong nag kukunwaring sumasamba ngunit ang puso ay malayo sa kanya. sila ang mga relihiyosong sumusunod sa kautusan ng Dios mula ng pag kabata..tiyak na mauulit muli ang pag papalayas na ito kung hindi natin makikita nag puso ni Kristo...ang mag lingkod sa halip na paglingkuran, ang mag bigay sa halip na bigyan, at ang magpakababa sa halip na dakilain....tama na ang mga pangangaral na may pang sariling hangarin dahil sa kasakiman ng puso at handand bumitag sa mga taong mahihina at masunurin....ANG PAG PAPALAYAS NA ITO AY MALAPIT NG MAGANAP!hindi natin kailangang maging relihiyoso, kailangan nating maging maka Dios.....mag masid at mag basa ng salita ng Dios, makinig sa Panginoon at sa kanyang mga aral, at sumunod sa lahat ng mga utos niya sapagkat ito ang pinaka ligtas na lugar para sa mga taong nag mamahal sa kanya!